
Ang Philippine College of Criminology (PCCR), sa pakikipagtulungan ng Combat Shooting Club, Student Empowerment and Leadership Department, at Community Extension Services Department, ay matagumpay na nagsagawa ng isang makabuluhang outreach program na pinamagatang “Barangay Ko, Bantay Ko.”
Ang nasabing aktibidad ay isinagawa katuwang ang Barangay 331, Zone 33, Maynila sa pamumuno nina SK Secretary Sir Allan Patrick De Jesus, Barangay Chairman Jose Henry Gumazon, at SK Chairman Aryen Hill Nulud.

Layunin ng programang ito na higit pang palakasin ang ugnayan ng paaralan at komunidad, at hikayatin ang aktibong partisipasyon ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang barangay. Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng programa ang isang feeding program at Lingap Barangay, kung saan nagbahagi ng munting tulong para sa mga bata, matatanda, at pamilyang higit na nangangailangan bilang pagpapakita ng malasakit at pagtutulungan sa komunidad.
Bukod dito, ginamit din ng PCCR ang pagkakataon upang maghatid ng impormasyon tungkol sa kasalukuyang enrollment period para sa Academic Year 2025–2026, kabilang ang mga kursong inaalok at mga programang maaaring pagpilian ng mga estudyante. Bahagi ito ng adhikain ng PCCR na bigyang kapangyarihan ang kabataan at mga miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng abot-kayang edukasyon sa larangan ng Kriminolohiya at iba pang kaugnay na kurso.

Isinakatuparan ang programang ito bilang bahagi ng layunin ng PCCR na maghatid ng malasakit, kaalaman, at makabuluhang serbisyo para sa komunidad.